Pages

Wednesday, November 7, 2012

Ang Tatlong Anda ng Nagbabagong Pilipino: Isang Postkolonyal na Pagbasa ng “Ang Sandali ng mga Mata” ni Alvin B. Yapan.

          Dala ng matinding pagkiling sa oral na tradisyon, mahilig sa kwentuhan ang mga Pilipino. Ang nobelang ito ni Alvin B. Yapan ay walang pinagkaiba sa mga kwentuhang bahagi na ng kulturang Pilipino: tila paiba-iba ang paksa’t patong-patong ang daloy ng kwento, sagana sa pagmamalabis at talinghaga at higit na mahalaga; personal at pamilyar –sinasalamin ang pananaw sa buhay, kalagayan sa kasalukuyan, mga adhikain at pangarap ng kwentista. Sisikaping talakayin ng pagsusuring ito kung papaanong ang mga kwento ng nobela, ng bayan ng Sagrada, ng Ibalong, ng pamliya Nueva at iba pa ay kwento rin ng paiba-ibang mukha at diwa ng bansang Pilipinas at mga Pilipino. Lahat ng ito ay hatid sa mambabasa ng kwentistang si Esteban, ang tanging tauhang malay sa lahat ng aspekto ng kwento, ang tanging biniyayaan ng sandali ng mga mata.
May tatlong dimensyon ang nobela; una ang epiko ng Ibalong na nagsilbing lunsaran ng banghay, ikalawa ang tampok na kwento ng pamayanan ng Sagrada at ikatlo ang tagpuan ng kwento sa isang munting gusali sa Maynila ayon sa kamalayan ni Esteban. Mahalagang bigyang pansin ang katangian at kaisahan ng bawat dimensyon ng nobela habang pinupuna ang kaisahan nila bilang isang buong akda. Para sa pagbasang ito, hinimay ang nobela sa tatlong anda:
Unang Anda: Diwang Bayani
Ang Ibalong na siyang lunsaran ng kwento ay umiikot sa kabayanihan nina Baltog, Handyong at Bantong. Mahalagang maunawaan na ang Ibalong ay galing sa prekolonyal na panitikan.
Ikalawang Anda: Diwa ng Kamatayan
Ang Sagrada’t mga mamamayan nito. Dito makikita ang iba’t ibang sakit ng lipunang pinasususo pa, isang bayang mahigpit ang pagkatali sa tradisyon at pamahiin, ginimbal ng kolonisasyon subalit unti-unting umaahon.
Ikatlong Anda: Diwang Makabago
Sa istorya ni Kathy, ang kaluluwa sa kwarto at pagtuligsa sa Cha-cha mahihinuha ang makabagong lipunang bunga ng diwa ng kamatayan. Ito ang huling anda at mula rito makikita ang kabuoan ng nobela.
Sa pagsusuring ito ay paghambingin at pagtambisin muna natin ang una’t ikalawang anda matapos nito’y pagdadatigin natin ang pagsusuri sa pamamagitan ng ikatlong anda.
-------------------------------------------------------------------------------
Sa tuwing mabantaan ng mga halimaw o ano pa mang sakuna ang bayan ng Ibalong, parating lalabas ang bayani upang iligtas sila. Sa paglipas ng iba’t ibang mga halimaw na nagbabanta sa kaligtasan ng bayan ay lumilitaw din ang iba’t ibang bayani para sa Ibalong sa katauhan nina Baltog, Handyong at Bantong. Mapapansin na malayang lumalabas ang diwang bayani sa Ibalong sa tuwing sumulpot ang babala ng peligro.
Dumating din ang banta ng peligro sa pamilya Nueva at sa mga mamamayan ng Sagrada. Ang pagkakaiba ay nasa tugon ng mga tauhan sa bantang ito. Sa halip na diwang bayani ang mamayani ay ang diwa ng kamatayan ang umiiral sa mga tauhan dito. Higit pa sa kamatayan sa kanyang literal na kahulugan, ang kamatayang nanalaytay kina Bino, Selya, Nene, Boboy at Estela ang kamatayan ng pagsuko. Ito ang pagtigil sa pagmemeron (existence) ng isang tao, isa itong pagkatali sa isang bagay o ‘di kaya’y yugto sa buhay na ayaw nang pakawalan ng tao. Isa itong pagsuko sa sakit, sapagkat bahagi ng buhay ang masaktan at masaksihan ang sakit, patay na ang taong ayaw nang sumulong sa buhay sapagkat ayaw na niyang masaktan o makasaksi ng paghihirap. Kailangang maunawaan ng isang maingat na mambabasa na may pananagutan ang bawat tauhan sa isa’t isa kaya ang pagkamatay ng isa ay labis na makagagambala’t makapipinsala sa iba. Kaya’maitutulad natin sa mapaminsalang mga halimaw at sakuna ng Ibalong ang pagtigil sa pagmemeron ng isang katauhan sa ikalawang anda.
Gawin nating konkreto ang abstraktong kaisipang ito sa pamamagitan ng paghalaw mula sa naging buhay ng mga tauhan.
Si Bino ng pamilya Nueva. Ang “nueva” sa salitang espanyol ay nangangahulugang “bago”. Kay Bino nanalaytay ang pagka”bago” ng mga Nueva. Ang mga magulang niya’y mga makaluma’t nakatataas na haciendero habang siya ay isang Don na nakikisalamuha sa mga saccada, sa katunayan ay umibig siya sa alilang si Selya. Subalit malaki ang pinagbago ng Binong ito sa Bino matapos ang digmaan lalo na nang lumalaki na si Nene. Mapapansin na masigla pa si Bino sa pag-aalaga kay Nene hanggang sa isang araw ay bigla na lamang niya itong ipinagkatiwala kay Agatha. Unti-unti na siyang humiwalay sa bata matapos nito, tuluyan itong nawalay sa pagdadalaga ni Nene. Nanatili na si Bino sa pag-iisa sa kanyang tumba-tumba habang nagpapalipas ng panahon hanggang sa kamatayan ng kanyang laman.
Marahil nagsimulang umiral ang diwa ng kamatayan kay Bino nang maalala niyang hindi tunay na kanya ang batang si Nene. Tila ba biglang naudlot ang kaniyang kalinga sa bata nang mapagtanto niyang bunga ito ng isang mapait na pagkakataon. Sa panahong ito’y tanging mga pamahiin na lamang ang mayroon pa si Bino –mga pamahiing kinagisnan bilang bata’t tinangkang gamitin kay Nene. Subalit pati ang mga ito’y binigo siya kasabay ng paglaki ni Nene na malayo sa kanyang piling–ito ay dahil inilagi ni Bino ang kanyang natirang panahon sa tumba-tumba. Natali siya sa kanyang pagkakapon, nakita ang sarili bilang taong wala nang kakayahan at kapangyarihan.
Si Selya naman ay nagpatuloy sa kaniyang pamumuhay na para bang isa pa ring dilag. Iwinaksi niya sa isip ang nangyaring panggagahasa pati na rin ang bunga nitong si Nene. Ito ang kaniyang pagkamatay na ang idinamay ay si Nene na kinailangan ng ibang tao upang mapagkunan ng kalinga ng ina.
Malala rin ang naging pagkatali ni Selya sa kaniyang mga pamahiin, ginamit niya ang mga ito upang mapagtakpan ang mga kapintasan at kabiguan niya. Ang pagligo sa ilang-ilang ay nagbigay lakas loob sa dating mahiyaing dalaga, tinakpan din ng halimuyak ng bulaklak ang pagiging alila niya. Ang mataas na pagtingin niya sa dayuhan –tao man gaya ni Mr. Edwards, Mr. Smith, ang pamaypay na binigay sa kanya, ang mga manok na Texas na pinapakain pa niya ng ostiya, lahat ng ito ay ginamit niya upang maipakitang hindi siya pangkaraniwang babae. Ang pagkatali niya sa paghuwad na ito ang nagudlot sa pagmemeron ni Selya. Buhat nito’y napabayaan niya ang siyang dapat pinahahalagahan niya –ang asawa, anak o kahit pa ang hacienda. Mas ninais niyang mamuhay ng huwad at maginhawa kaysa maging totoo’t pagdaanan ang sakit ng pagiging asawa sa isang nakapon at ina sa isang paalala ng kaniyang pagkahalay sa kamay ng mga Hapon.
Si Nene marahil ang isa sa mga pinakama-impluwensiyang tauhan sa nobela. Malaki ang naging ambag niya sa pagpapaunlad ng Sagrada. Bagaman laki sa pamahiin ng kaniya pang mga ninuno marahil, iba ang naging bisa ng mga pamahiing yaon kay Nene. Kung ibinilanggo sa sariling daigdig o ikinitid ng mga pamahiin ang isipan ng kaniyang mga magulang, tinuruan at inilapit ng mga ito si Nene sa kalikasan at sa kaalaman. Laki sa pamahiin si Nene subalit lumaki rin siya sa bukid at dito’y natutunan niyang pagtambisin ang tunggalian ng mga natututunan niya sa kalikasan at sa mga haka-haka ng pamahiin. Tulad ng mga mabungang prutas si Nene ay naging isang taong hitik sa kaalaman at kahusayan kaya’t nakapagdala ng pagbabago sa isang bayang labis ang pagkatali sa pamahiin at nakalipas. Tigang na lupa ang Sagrada bago bungkalin at pagyamanin ni Nene sa kanyang mga prutas.
Prutas din ang ginamit niya upang makarating sa Maynila nang mapagbantaan ang Sagrada at si Boboy sa pagkawala ng tunay na Ina ng Bicolandia. Pinaghihinalaang ang mga Marcos, ang mga makapangyarihan noon, ang siyang dumukot nito. Makikita dito ang pagkakatulad ni Handyong at ni Nene; sa parehong paraan na nilabanan ni Handyong ang mga halimaw na nagbanta sa kaligtasan ng Ibalong, tinuligsa ni Nene ang mga taong sa tingin niya’y nagnakaw sa pinagkukunan ng kaginhawaan at lakas ng mga taga-Sagrada. Hinarap ni Handyong si Oryol na nagbabagong anyo mula sa mapangahas na ahas na nagiging mapanlinlang na diwata. Ito rin ang naging karanasan ni Nene sa paghabol sa mga taong dapat ay nagpapalakad sa bansa subalit sa halip na ito’y pagnanakaw ang ginagawa.
Ang huling banggit kay Nene sa nobela ay ang paglamon ng dilim sa kanya sa harap ng El Pacto de Sangre na sanduguan ng mga katutubo sa mga Kastila. Dito tumigil ang pagmemeron ni Nene, nang mapagtanto niyang ang mga taong pinaglalaban niya ay ayaw lumaban at nakikiayon pa sa mga mananakop. Hindi na binanggit kung napano na si Nene, marahil ay natulad sa kapalaran ni Handyong na umibig sa kaaway na si Oryol, si Oryol na hindi talaga malalaman kung kaibigan, kaaway o pareho.
Walang kwentong maibabahagi sa isang nobelang patay lahat ng tauhan. Kung wala si Esteban ay walang masasabi tungkol sa mga taga-Sagrada. Ang buong nobela ay tungkol sa mga taong namamatay bago pa man malagutan ng hininga, mga taong nagbubulag-bulagan upang makaligtas kahit papaano mula sa hapdi’t pighating hatid ng katotohanan. Tanging si Esteban ang nabiyayaan ng sandali ng mga mata sapagkat tanging siya lamang ang naglapastangan na idilat ang mga mata sa harap ng karimlan ng buhay. Siya ang naging saksi ng lahat ng mga bagay na hindi matanggap ng lahat ng mga katauhan ng kwento –ang pagrupok ng mansyon ng mga Nueva, panggagahasa kay Selya, pagkapaslang ni Benjamin, pagkanakaw ng Ina ng Bicolandia, pagkamatay ni Estela at iba pa. Kabalintunaang isipin na siyang tila ba’y nabubuhay sa pamahiin ang tanging tauhan na malay sa mga nangyayari sa tunay na mundo. Nabuksan ang kaniyang mga mata ng daplis ng bala ng mga hapon, ang sakit na dulot nito ang nagmulat sa kaniyang mga mata at nagpatatag sa kaniya upang maharap niya ang iba pang mga sakunang darating sa pamilya Nueva at sa Sagrada. Siya ang tanging buhay sa nobelang puro patay ang mga tauhan.
Ang lahat ng kaniyang mga nasaksihan ay ibinahagi niya kay Boboy alinsunod sa kahilingan nito. Si Boboy na siyang si Bantong, ang huling bayani ng epiko. Siya na pinalaki rin sa pamahiin ay hindi naniwala rito, bagkus namuhay siya sa malay na mundo at siyang nakasaksi rin sa paggunaw ng iba’t ibang tauhan pa ng nobela. Siya rin sana ang bayani ni Selya, pinag-aaral ng abogasya upang makapagdala ng kaginhawaan sa buhay ng lola subalit naputol ito sa kanyang kamatayang hindi binanggit ang sanhi. Sa parehong paraan na ipinagpatuloy ni Bantong ang laban ni Handyong, ipinagpatuloy rin ni Boboy ang laban kanyang ina na magpausbong ng pagsulong sa nakataling bayan ng Sagrada. Yun nga lamang ay naudlot ang pakikibaka ni Boboy sa pagpapatiwakal ng kaniyang kasintahan. Labis niyang ikinalungkot ito. Parang napabayaan niya si Estela na umibig marahil sa iba’t nabuntis habang nilalabanan ni Boboy ang Rabot sa kaniyang buhay na siyang pakikipagsapalaran niya sa Maynila. Sa pagkukwento ni Esteban ng epiko ng Ibalong at sa kasaysayan ng kanyang mga ninuno, natuklaw si Boboy ng ahas na si Oryol. Umiral ang diwa ng kamatayan na siyang kumitil din sa buhay ni Bino, ni Selya, ng kanyang Inang si Nene at pati na rin kay Estela na pinagpasiyahang magpatiwakal na lamang kaysa harapin ang mga magiging bunga ng kaniyang pagtataksil. Dito tumigil ang pagmemeron ni Boboy.
Kaya naman isinulat na sa papel ni Esteban ang epiko ng Ibalong, ang kwento ng mga Nueva’t Sagrada. Isa itong pagtatangka ng tanging buhay na tauhan ng nobela na panatilihin ang kamalayan ng mga tao bago pa tuluyang dumami ang mga matuklaw ng halimaw na si Oryol. Ang huling anda ng diwang makabago ay umiiral sa kasalukuyang panahon. Subalit sino ang mga lumalaban dito at ano ang ipinaglalaban nila? Si Cathy na tila ba nakikibaka para sa kapakanan ng bansa subalit hindi maingatan ang sarili mula sa hindi sinasadyang pagkabuntis? Si Juanito na nagpatiwakal sapagkat hindi nakayanan ang kataksilan ng dalagang iniirog? Ang mga magulang ng dalaga na ipinangalan ang batang si Marimar sa banyagang bida ng telenovela? Ang mga aktibistang tumutligsa Cha-cha? Subalit sa anong dahilan? Dahil ba sa pagmamahal at pag-alala sa bayan o dahil sa pagkatali sa mga kinagisnan nang pamamaraan?
Sinabi ni Esteban na ninanais niyang maalis ang kamandag ni Oryol sa pamamagitan ng pagsulat sa kwento. Ang kwento ni Esteban ay salaysay ng isang taong nagmemeron sapagkat bukas ang kaniyang mga mata. Ang mata ng tao ay maaaring kumatawan sa kanyang pagmemeron sapagkat ito ang kaniyang pamamagitan sa paghawak at pagsaksi sa mundong ginagalawan niya. Ang mata ang siyang makapagsasabi at makapagpapaliwanag sa mga nangyayari sa paligid ng tao. Subalit kailangang maunawaan na sa mundong ito ang mabuhay ay nangangahulugang masaktan. Masaktan sapagkat makikita ang mga halimaw na magbabanta sa kaligtasan ng nakakikita at sa mga minamahal nito. Masaktan sapagkat masasaksihan rin niya ang paghina’t pagkamatay ng kaniyang mga minamahal. Ang taong tumatangging makita ang mga bagay na ito ay patay --nakatali sa kanyang sariling mundong huwad subalit maginhawa. Sa pamilya Nueva’t Sagrada at pati na rin sa makabagong panahon, pamahiiin at pagtangging makita ang masaklap tignan ang ginamit upang hindi masilayan ang tunay na mundo.
Ito ang tinutuligsa ni Esteban na naglalayong maging bayani ng kwento. Ang kamandag ni Oryol ang nang-akit sa mga tauhan na tumigil sa pagmemeron at tapusin ang sakit na dulot ng mundo sa pamamagitan ng pamumuhay sa pamahiin at kamangmangan sa nangyayari sa paligid. Hinahamon ni Esteban ang mambabasa na idilat ang mga mata’t saksihan ang panganib na bumabanta sa sarili nating mga buhay at pamayanan. Pilit nating itinatanggi ang mga katotohanang ito sa pamamagitan ng mga makabagong pamahiin tulad ng “Ganito na lang talaga tayo” o di kaya’y “Wala na talaga tayong pag-asang sumulong”. Sa ganitong paraan ay tumitigil na rin tayo sa ating pagmemeron tulad nina Bino, Selya, Nene at Boboy. Matutulad din ang ating kapalaran sa kanila, magiging sawing-palad at bulag kailanman, pilit na lumalayo sa sandali ng mga mata.

No comments:

Post a Comment